Chapter Two
“Tabi! Tabi! Andyan na ang tren! Hoy mga bingi ba kayo! Lokong mga bata ito ah!” sigaw ni Aling Estela sa mga batang naglalaro sa riles ng tren. Pangkaraniwan ng tanawin na gawing laruan ng mga bata, tambayan at inuman pati na rin ng mga nag tsitsismisan ang riles ng tren sa Bisig Tramo isang komunidad sa gilid ng riles ng tren.
Matagal ng pinapaalis ng pamunuan ng PNR ang mga eskwater sa tabi ng riles ngunit imbis na mabawasan ay lalo lang dumadami ang mga shanties dito. Paparating na ang rumaragasang tren subalit parang walang naririnig ang mga kabataang naglalaro ng tong-its. Sanay na kasi sila sa ganung sitwasyon sa araw-araw.
“Oh deal na ako! Two pairs at alas.” Ang sabi ni Tanya. Si Tanya ay nakaluhod at isa sa mga nag-uumpukang mga kabataan sa riles habang naglalaro ng baraha. Sa edad nitong katorse anyos ay mapapansin na wala pa man lang itong kaayusan sa sarili. Papalapit na ang tren at mukhang sinasadya ng makinista nito na wag bumusina. Ilang metro na lang ang layo nito sa mga kabataang naglalaro.
“Tanya sa likod!” Nanlalaki ang mga mata na sigaw ni Remoh sa kababatang si Tanya.
“Takbo!” Sigaw ni Eduardo sa mga kalaro. Habang si Tanya ay tila di alam ang tinutukoy ni Eduardo at ni Remoh. Nagpulasan na ang mga kalaro ay nakatulala pa rin si Tanya. Malapit na ang tren, malapit na. Hinintay na lang ng mga taong nasa kabila ng riles kung nakaladkad ng tren o nagkadurog-durog ang katawan ni Tanya. Nawala na ang alikabok na dala ng tren, nawala na rin si Tanya.
“Tanyang ina ka! Bakit ba tatanga-tanga ka? Para kang di taga riles, sumabog tuloy ang mga gamit ko sa eskwela dahil sa pagtulak sayo!” bulyaw ni Remoh kay Tanya.
“Hoy Romulo! ng dahil sayo di ko nakuha ang panalo ko iniwan ako ng mga gagong mga kalaro ko!”
“Ewan ko sayo, iniligtas na nga kita ganyan pa mapapala ko sayo! Dyan ka na nga buwisit! Sabay talikod ni Remoh kay Tanya.
“Salamat Rem!”
“Ulol! Salamat mo mukha mo!
“Tanya anak ibili mo nga ako ng isang kuatro kantos” utos ng ama ni Tanya na si Mang Manolo.
“Itay naman iinom na naman kayo ng alak eh hindi pa nga tayo naghahapunan.” Padabog nasagot ni Tanya habang naghuhugas ng mga platong nakatiwangwang pa rin hanggang sa pagdating nya.
“Sige na ibili mo na ako anak, yun lang naman ang libangan ko eh serbesa.” Magmula ng mamatay si Aling Anita dahil sa tuberculosis ay hindi na naawat ni Tanya sa pag-inom ng alak ang ama. Masyado nitong dinamdam ang pagkawala ng asawa.
“Itay kung iniipon nyo ang ipinambibili nyo ng alak eh di sana makakapag-aral na ako sa susunod na pasukan.”
“Lintik na pag-aaral yan! Yung magaling mong ate na iginapang namin ng Inay mo sa pag-aaral anong nangyari diba nagtanan lang? Hindi man lang namin napakinabangan!”
“Itay iba si Ate iba ako.”
“Pare-parehas lang kayo! Pag dinapuan kayo ng kati sa katawan, hahanap at hahanap kayo ng lalaking mapagkukuskusan!”
“Pwes itay, itaga nyo dyan sa boteng hawak nyo na hindi mangyayari sakin yun!”
“Syanga ba? Eh puro nga mga kasama mo at mga kalaro mo eh puro barako eh.”
“Mga kaibigan ko lang po sila.”
“Doon din ang punta nun sa dami ng mga kabataang lalaki ngayon na irresponsable susme Tanya kaingat ka.”
“Bakit Itay alam nyo po ba ang katagang responsabilidad?”
“Tanya makakasabay ka ba sakin sa pag-aaral sa darating na pasukan?” Tanong ni Emily kay Tanya habang nangunguha sila ng mga kangkong na pang benta sa palengke.
Halos abot bewang ang tubig sa lawa na pinagkukunan nila ng kangkong. Pagbebenta ng kangkong ang ikinabubuhay ni Tanya at ng amang si Mang Manolo. Bukod kasi sa di naman regular sa pag kakarpintero si Mang Manolo ay madalas pa itong hindi nakakapasok dahil sa paglalasing.
“Hindi ko pa sigurado Ems, di pa ko maka ipon eh, kahit naman walang bayad sa public school ay pihadong wala rin akong pambili ng mga gamit at pambaon.”
“Papano yan mananatili ka na lang bang 2nd year high school na mangmang?”
“Asus, nagsalita ang may pinag-aralan.” Sabay na nagkatawanan ang dalawa.
Pauwi na si Tanya at Emily nakasunong ang mga kangkong na pinuluputan ng sako habang naglalakad sila sa eskinita pauwi ng Bisig Tramo. Kailangan pa nilang mag patintero sa tulay na kahoy na umuugoy na sa rupok at konting pag-kakamali ay babagsak sila sa tubig na punong-puno ng basura.
“Psst! Tanya, nakikita mo ba ang nakikita ko?” kalabit ni Emily kay Tanya na patuloy lang sa paglalakad sa tulay na kahoy. Hoy ano ba? Tigil muna tayo.”
“Bakit ba kasi Ems ? Eh ang gaan lang naman ng dala mo ah?”
“Hayun oh, ang prince charming mo.” Sabay nguso ni Emily sa naka-upong si Remoh.
Nakaupo ito sa upuang yari sa kahoy mula sa mga retasong tira-tirahan sa construction site na pinapasukan ng ama nito na si Mang Dante. Nakayuko ito habang pinag-mamasdan ang gulong na hinati sa gitna na ginawang pakainan ng mga itik na ngayon ay mga kiti-kiti na lang ang makikita sa loob ng gulong dahil naibenta na ang mga itik.
“Ang cute nya noh? Dugtong ni Emily na naka tingin pa rin kay Remoh.
“Asan? Eh mukha namang suso! Tingnan mo nga oh matatalian na ng dala kong mga kangkong ang nguso sa haba. Halika na nga!”
“Asus! Kunyari ka pa dyan Tanya eh hayan nga oh namumula ka uyyy..nag bablush!”
“Gaga!”
“Hoy! Bakit ang ingay nyong dalawa dyan eh nakikidaan lang kayo. Hinihintay na sa palengke ang mga kangkong nyo kaya magsipag-uwi na kayo!”
“Eh bakit sayo ba tong tulay na to?!” singhal ni Tanya sa nakayuko pa ring si Remoh.
“Oo kami ni itay ang gumawa nyan, kaya mahiya ka sa sinasabi mo!”
“Oh hayan lamunin mo ang tulay mong bulok! Halika na nga Ems .” At nagmadali na silang umalis upang makauwi.
“Oh anak, may naka-away ka ba sa kangkungan? Parang pinagsakluban ng langit at lupa ang mukha mo?” tanong ng ama ni Tanya habang tumutungga ito ng alak kasama ang kapit-bahay na si Mang Taga. Taga ang tawag dito sa daang riles dahil sa malaking peklat nito sa balikat na sanhi ng taga dahil sa pakikipag-away.
“Dalaga na ang anak mo pareng Manolo ah.”
“Mag dya Japan pa yan pare at palakol ko ang aabot sa manliligaw dyan.” Sagot nito kay Mang Taga at nagkatawanan ang nag-iinuman na magkumpare.
“Wala po itay. Bwisit na lalaking yun kala mo kung sinong gwapo mukha namang pritong suso.”
“Sige na anak, ideliber mo na yan sa palengke para may mailaman na tayo sa tyan natin.”
Sinunod niya ang ama. Magkasama pa rin sila ni Emily na pumunta sa palengke.
“Kwarenta, kwarenta y singko, singkwenta, sisenta, wow! Naka sisenta ako ngayon Ems !” natutuwang sabi ni Tanya matapos nitong kwentahin ang napagbentahan ng kangkong.
“Buti ka pa ako kwarenta y singko lang eh.”
“Pambili ko ng bigas ang kwarenta, ang bente idadagdag ko sa ipon ko para sa pasukan. Tutal may ulam pa naman kami ni Itay hanggang Linggo kasi may dalang daing na biya si Tiyo Andoy kahapon.”
“Buti ka pa Tanya, ako naku mamaya lang pagdating ko sa bahay hihingi na naman si Inay ng pang bingo.”
No comments:
Post a Comment