Wednesday, August 3, 2011

Showbiz News: Toni Gonzaga, Malapit Ng Magpakasal?


Inamin ng TV host-singer Toni Gonzaga na napag-uusapan na nila ng kanyang boyfriend director Paul Soriano ang tungkol sa pagpapakasal, pero nilinaw naman na wala pa silang balak na magpakasal sa ngayon dahil na rin sa pagiging abala pa nila sa kani-kanilang trabaho at wala pa sa iyon sa kanilang mga priorities.

Sa apat na taon na itinagal ng relasyon ng real life couple, ipinagdarasal ni Toni na si Paul na ang kanyang makakatabi sa harap ng altar. Bukas si Toni sa mga posibleng pagbabago na maaaring mangyari pa sa kanyang buhay, ngunit umaasa pa rin siya na sana si Paul na ang makakatuluyan niya hanggang sa huli. Idinagdag pa ng multi-media star na handa niyang iwanan ang kanyang career para lang mas mabigyan ng priority ang kanyang bubuuing pamilya kasama si Paul.

Kasalukuyang nagiging malago ang showbiz career ni Toni at kamakailan lang nang itinuring siya na Box Office Queen of SM Cinexpo for 2011, habang nakakuha naman ng titulong Box Office King ang kanyang naging leading man sa pelikulang My Amnesia Girl, na si John Lloyd Cruz. Hindi naman itinanggi ni Toni na bukas pa rin ito sa pagtatrabaho sa ibang proyekto kasama ni Lloydie o sa kahit sino pa mang aktor, basta aprubado ito ng management at ng Star Cinema.

Sa Setyembre inaasahang maipapalabas ang pelikulang pinagsamahan nila ng komedyanteng si Eugene Domingo na P’Wedding Tayo, P’Wedding Hindi. Sa kabila ng kaba at excitement na nararamdaman ni Toni, umaasa pa rin ito na maging okay ang pelikula sa panlasa ng mga manonoood. Nagpapasalamat naman siya sa ikalawang pagkakataong naibigay sa kanya upang makasama ang beteranang si Uge. Kahit na nakatrabaho na niya ito sa naunang proyekto na You Are The One [2006], nag-enjoy pa rin ang dalawang komedyante sa bawat shooting ng pelikula dahil sa dami ng natututan nila sa isa’t isa.

No comments:

Post a Comment