Saturday, March 19, 2011

Hubert Webb: Idemanda si Jessica Alfaro!


Tuluyan nang kinasuhan ni Hubert Webb si Jessica Alfaro, ang dating "star witness" sa Vizconde massacre.




Isinampa ni Hubert ang complaint for false testimony sa Parañaque City Prosecutor's Office ngayong hapon, March 18.

Hinihingi rin ni Hubert sa korte ang P30 milyong danyos mula kay Jessica.


Matatandaang si Jessica ang nagturo kay Hubert bilang prime suspect sa pagpaslang sa mag-iinang Vizconde—Estrellita, Carmela, at Jennifer—sa kanilang tahanan sa BF Homes Parañaque noong June 30, 1991.




Si Jessica Alfaro ang tumayong state witness sa kaso. Pinaniwalaan ng mababang korte ang kanyang mga testimonya na nakita niya si Hubert, kasama ang anim pang suspek, nang paslangin umano ang mag-iina.




Matapos i-convict ng korte ng Parañaque City noong January 2000 sa salang pagpatay, tuluyan nang nabilanggo ang anak ng dating senador na si Freddie Webb at anim na iba pang suspek.




Noong December 14, 2010 naman ay in-acquit ng Supreme Court sina Hubert dahil sa hindi umano nagtagumpay ang prosecution na patunayan ang kanilang "guilt beyond reasonable doubt."




Sa kabuuan ay 15 taon ang inilagi ni Hubert sa bilangguan.




Ayon sa Supreme Court, hindi dapat pinagkatiwalaan ng mababang korte ang testimonya ni Jessica dahil marami itong inconsistencies.




Ayon pa sa mataas na hukuman, isang government asset si Jessica at hindi nito totoong nakita ang mga pangyayari sa gabi ng pagpatay.




Matapos ma-acquit ay nagpahayag ang pamilya Webb na nais nilang kasuhan ang dating state witness dahil sa huwad umano nitong testimonya.




"We're looking at the possibility of suing her, not for money or anything. To sue her so that at least she will know [what it's like] to live behind bars. She will know how hard it is," pahayag ni Freddie Webb sa isa nitong panayam sa ANC.




Hindi malinaw ngayon kung nasaan na ang dating state witness. Ayon sa huling mga balita, nagtatago si Jessica sa Estados Unidos.

No comments:

Post a Comment